Sen. Gatchalian, ayaw kumpirmahin o itanggi ang breakup kay actress Bianca  Manalo - Bombo Radyo Tuguegarao

Nagulat ang publiko nang sa kauna-unahang pagkakataon ay tuluyan nang nagsalita si Bianca Manalo tungkol sa mga matitinding isyung kinakaharap niya kamakailan—kabilang ang umuugong na hiwalayan nila ni Senator Win Gatchalian at ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isang cheating scandal kasama ang aktor na si Rob Gomez.

Ang kontrobersya ay nagsimula matapos mag-leak sa social media ang diumano’y mga screenshot ng private messages ni Rob Gomez kina Bianca Manalo at Herlene Budol. Ayon sa mga netizen, tila may malisya ang laman ng mga usapan—lalo na’t magkakasama ang tatlo sa GMA-7 teleseryeng Magandang Dilag.

Kasunod nito, sunod-sunod ang batikos na natanggap ni Bianca mula sa publiko, lalo na’t matagal na siyang karelasyon ng senador.

Noong umaga ng Biyernes, Disyembre 22, habang nasa Japan kasama ang kanyang pamilya, naglabas si Bianca ng opisyal na pahayag sa kanyang Instagram account. Dito, matapang niyang itinanggi ang anumang ugnayan kay Rob Gomez na lampas sa pagiging magkaibigan at magkatrabaho.

“Linawin ko ang mga maling balita na kumakalat sa internet… Magkaibigan at magkatrabaho kami ni Rob Gomez,” ani Bianca.
“Nakakalungkot na inilabas ang aming private conversation nang walang pahintulot ko—isang malinaw na paglabag sa aking privacy.”

Ayon pa sa kanya, in-edit at binura ang ilang bahagi ng pag-uusap upang magmukhang may malisya.

“Malinaw na may mga bahagi ng aming pag-uusap na binura upang gumawa ng malisyosong interpretasyon.”

Samantala, nang tanungin si Senator Win Gatchalian tungkol sa umano’y hiwalayan nila ni Bianca, mariin niyang sinabi:

“I don’t comment on my personal life.”

Senator Sherwin Gatchalian on breakup rumors with Bianca Manalo | PEP.ph

Sa huli, hiniling ni Bianca na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at bigyang-daan ang katahimikan ngayong Kapaskuhan.

“Hayaan na nating matapos ang isyung ito para naman mas ma-enjoy ko pa ang natitirang oras ko dito sa Japan kasama ang aking pamilya.”
“Ngayong Kapaskuhan, ipalaganap natin ang pagmamahalan at ang katotohanan. Maligayang Pasko sa inyong lahat!”